Mula S Tradisyotungo Sa Kongresasyon: Teo S. Baylen

Only available on StudyMode
  • Pages : 23 (5816 words )
  • Download(s) : 2321
  • Published : July 28, 2010
Open Document
Text Preview
Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata ni Jimmuel C. Naval

INTRODUKSYON

Nang unang dumating ang Amerikanong Protestanteng ebanghelista na si Rev. William “Billy” Graham sa Pilipinas noong 1962, nagpahayag siya ng pagkabahala sa lumalalang pagtiwalag ng mga tao sa Diyos sa unti-unting pagkalagot ng personal na relasyon ng tao sa kanyang lumikha. Ang pananaig ng makabagong agham at kaisipang komunista ang tinutukoy niyang mga Cain sa pagkabigo ng tao sa pakikipag-isa kay Kristo. Libu-libong mananampalatayang Filipino ang dumalo sa pambansang pangangaral na ito ni Rev. Graham na ginanap sa Luneta at kabilang sa mga ito ay ang pamilya ni Teo S. Baylen ng Cavite City.

Kilala na noon si TSB bilang makata sa mga pahina ng Liwayway, Sampaguita, Ilang-Ilang, Paru-paro, Bulaklak, at kahit sa mga aklat pampanitikan sa mataas na paaralan; subalit mas kilala siya bilang pastor at matapat na lingkod ng Diyos sa kanyang kongregasyon. Ipinagkaloob niya ang buhay kay Kristo para gamitin sa pamamahagi ng mabuting balita noong bago pa magkadigma, at isinumpa niya kahit sa pagtula na maglilingkod sa Diyos hanggang sa bawiing muli ang ipinahiram na buhay. Para sa kanya, ang buhay ay dapat ilaan tungo sa pagkilala kay Kristo sa iba. Ito lamang ang landas para ang buhay ay mabago at di mauwi sa walang pag-asa:

Noon ako’y patay at walang pag-asa
Ang aking kahapo'y libingang yari na
Ako, sa kabaong ng pagkakasala
Ay tinatangisan ng Inang may dusa

Nguni, isang araw ay nakatagpo ko
Ang isang Lalaking dala'y Ebanghelyo
"Binata" aniya; "tanggapin si Kristo
na pangako'y buhay" - Buhay na nabago.

Ang problema ni TSB ay kung papaano mapapagsabay ang dalawang tungkuling parehong may pitak sa kanyang puso at kaluluwa na di magbubunga ng pag-iimbot sa isa’t isa. Totoong may kahirapang maglingkod sa dalawang Panginoon at ito’y batid niya. Subalit ang nais ng makata ay pagsabayin ang dalawa sa puntong nagpapatatag ang una (paglilingkod sa Diyos) na di naman nangangahulugan ng di pagbibigay ng halaga sa pangalawa (pagiging makata).

Sinagot niya ang suliranin sa pamamagitan ng paglalathala ng aklat na Tinig ng Darating (1963). Sa aklat na ito ng mga tula, matinding naging instrumento ni TSB ang kanyang mga berso sa pagpapatingkad ng kanyang paniniwalang Kristiyano.

Nangangaral sa madaling sabi ang mga tula ni TSB sa una niyang aklat. Mapupulutan ito ng mga payo na dapat landasin ng sinumang nananalig sa Diyos. Ang tula ay tahasang tumutuligsa sa makamundong gawain ng tao at naghahasik ng patnubay na para sa isang marangal at kaaya-ayang pamumuhay. Bagama’t marami ring makata ang lumikha ng tula na hawig sa estilo at pahayag ng makatang Caviteño noong unang hati ng dekada 60, naiiba ang kapangyarihan ng tinig sa taludtod ni TSB. Waring ang paglalangkap ng kanyang bisyong Kristiyano at ng kanya mismong buhay bilang debotong lingkod ng Diyos ay siya ring bukal ng pambihirang katapatan ng kanyang tinig sa tula at kaban ng karanasang nagpapabulas ng kanyang talinghaga.

Sa pagtawag sa kanya bilang isang relihiyosong makata naimpluwensiyahan ang mananaliksik na ito ng dalawang pangunahing punto. Una, ang nilalaman ng pamamaraang namayani at ikinabukod ng apat niyang aklat ng tula. Ikalawa, ang pagiging lider-Kristiyano niya sa Kongregasyong inaniban mula panahon ng kabataan hanggang sa pumanaw sa gulang na 86 noong 1990.

Ang pag-aaral na ito ay bahagi ng malawak na pagtalakay sa panulaan ni TSB bilang pagpapatunay na siya ay isang relihiyoso. Bagamat sa seryeng ito, nais tutukan ng mananaliksik ang pag-aaral sa mga tulang relihiyoso sa paraang iniuugnay sa tradisyon ng pagtulang nakahumalingan ng makata, sa kanyang buhay at paniniwala, at sa mga pangyayari sa kanyang panahon at lipunang hinubog sa nilalaman ng kanyang tula. Tutukuyin din dito ang tunguhin at sangkap ng panulang-bayan at ng namamayaning pagtula sa panahon ng Espanyol, lalo na sa huwarang akda ni Balagtas...
tracking img