Lupain Ng Taglamig

Page 1 of 35

Lupain Ng Taglamig

By | December 2010
Page 1 of 35
LUPAIN NG TAGLAMIG

Ni Yasunari Kawabata
Salin ni Rogelio Sicat
“NOON”: lipas na ang panahon ng panganib dahil sa mga pagguho ng yelo, dumating na ang panahon ng pag-akyat sa bundok sa kaluntian na tagsibol. Sa ngayon, mawawala ang mga sariwang gulay sa mesa.
Si Shimamura, na nabubuhay sa kawalan ng magawa, ay nakatuklas na kung minsa’y nawawala ang katapatan niya sa sarili, at malimit siyang nagpupuntang mag-isa sa bundok upang mabawi rito ang kung anong bahagi nito. Bumaba siya sa nayon ng mainit na bukal pagkaraan ng pitong araw sa hangganan sa bundok. Nagpatawag siya ng isang geisha. Gayunman, sabi ng katulong na babae, sa kasawiang-palad ay may selebrasyon nang araw na iyon bilang pasinaya ng isang bagong kalsada; napakaraming tao sa pagdiriwang kung kaya ang pinagsamang bodega ng cocoon at teatro ay inokupa, at hindi magkandatuto ang labindalawa o labintatlong geisha sa pagsisilbi sa mga tao. Ngunit baka sakaling makapunta ang babaeng nakatira sa titser ng musika. Kung minsan, tumutulong ito sa mga pagtitipon ngunit umuuwi na pagkaraan ng dalawa o tatlong sayaw lamang. Nang mag-usisa pa si Shimamura, nagkuwento ang katulong tungkol sa babaeng nakatira sa titser: ang titser ng samisen at ng sayaw ay may kasamang isang babae, hindi geisha, ngunit kung minsa’y napapakiusapang tumulong sa malalaking pagtitipon. Dahil walang bata sa bayan na nagsasanay para maging geisha, at dahil karamihan sa mga lokal na geisha ay nasa gulang na ayaw nang sumayaw, mahalaga ang serbisyo ng babae. Hindi siya kailanman dumarating na mag-isa para aliwin ang isang bisita sa otel, ngunit hindi rin naman siya matatawag na baguhan – sa pangkalahata’y ganito ang ikinuwento ng katulong. Kakatwang istorya, sabi ni Shimamura sa sarili, at ito’y kinalimutan niya. Gayunman, pagkaraan ng may isang oras, dumating ang babaeng nakatira sa titser ng musika, kasama ang katulong. Tumayo si Shimamura. Paalis na ang katulong ngunit tinawag ito ng babae. Nagbigay ang babae ng impresiyon ng...